Sisimulan natin kung saan nagtapos ang lahat. Hindi pala ako handa sa paglisan mo. Kung iisa-isahin ko ang lahat ng pangyayari, alam kong hahantong tayo sa puntong ito — iniwan mo ako — o maaring hindi sapagkat hindi ka naman nagpaalam.
Ideya ko lahat nang ito, una kitang niyaya, nasundan nang nasundan at nasundan pa. Masyadong mabilis pero nagpaagos lamang ako dahil gusto ko rin naman.
Sa sandaling panahon na nagpaagos tayo, marami narin pala tayong napagusapan, mula sa pelikulang gusto mo hanggang sa mga pangarap mo. Nakikinig lang ako. Sa lahat nang musikang pinakikinggan mo pati narin ang pagkasawi mo sa pag-ibig mo.
Sa ‘yo nanggaling ang unang yosing hinithit ko. Ang unang bagnet na natikman ko. Ang unang bulalong hinigop ko. Marami rin pala akong alaala sa ‘yo.
Kung iisa-isahin ko ang mga alaalang tumatak sa akin, marahil ay uunahin ko siguro ‘yung gabing tumingin ka sa akin habang sinabing imposibleng may magmahal pa sa ‘yo kasi ang “pangit pangit” mo. Tumingin ako sa mga mata mo at doon ko nakita ang sarili ko. Gusto kong sabihin sa ‘yo na hindi imposibleng may magmahal sa ‘yo sapagkat ako’y nahulog na sa iyo.
Ikalawang paboritong alaala ko sa ‘yo ay yung pag-upo natin sa isang sulok sa may bangketa habang nakikinig ng musika ni Jeff Bucley, ng Up Darma Down o ‘di kaya’y Urbandub dahil doon mo nahuli ang kiliti ko — na gustong gusto ko. Sa bawat beat ng musika ay nahahawakan mo ang tuhod ko. You got me on my knees.
Itong pangatlong paboritong alaala ko sa ‘yo ay masasabi kong may pinakanatutunan ako, gustong gusto ko ang pagka-random mo. Hinding hindi ko malilimutan ang umagang niyaya mo akong sumakay sa isang taxi at bahala na kung saan man mapadpad. Sumakay ng bus at nagpunta sa isang bayan na ‘di kalayuan sa Maynila. At dun ko unang nahawakan ang kamay mo habang nakahiga ka sa balikat ko. At ang pinaka natutunan ko sa karanasang ito — ikaw man ay “anti-Dead Poets Society” sapagkat big fan ka ng “Whiplash” gaya ng sinabi mo — ay “Carpe Diem”, I can seize the day when I’m with you.
Marami pa akong alaala sa ‘yo. Habang inaalala ko ay nasasaktan ako pero ganito naman talaga lahat ng nagmamahal — nasasaktan. Hindi lang ako handa sa paglisan mo. Masyado mo akong binigyan ng maraming alaala na dapat kalimutan. Ngunit huwag kang mag-alala sapagkat lahat ng natutunan ko sa ‘yo ay nakatatak sa isip ko.
Hindi ako nagagalit sa ‘yo, naiinis lang ako sa sarili ko dahil alam kong wala kana pero umaasa pa rin ako na p’wede pang ibalik ang dati. Siguro nga ay na sa in denial stage pa ako at kung susundin ko ang isa sa pinaka paborito kong mga tula mula kay Linda Pastan na “Five Stages of Grief”, ang kasunod ng kabanatang ito ay anger at depression — pero pipilitin kong huwag nang dumaan doon kung maari.
Nahihirapan man ako ngayon sapagkat pilit pa rin akong hinihigop ng nakaraan — pipilitin kong ituon na lamang sa hinaharap ang atensyon ko. Nakasisiguro ako sa doon ko mahahanap ang pagtanggap at pagpapalaya. Hindi madali pero kakayanin.
Hindi man nagtapos ang kwentong ito na magkahawak ang ating mga kamay, sinisiguro ko na pag dating ng panahon at ako’y lumingon masasabi kong minsan sa buhay ko, nagmahal ako.
#Entry080215